ANG SONA NG BAYAN 2022
Migrante Canada
July 25, 2022
Sariwain natin ang ilang saknong sa tulang isinulat ng makata at nobelista, lider manggagawa, bilanggong pulitikal at Pambansang Artista na si Amado Hernandez sa kaniyang tula “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan.”
“Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan…”
Ang mga Pilipino sa ibayong dagat ay saksi sa mga party at pagdiriwang sa Palasyo pagkatapos ng inagurasyon ni Marcos Jr. Naroon ang masarap na pagkain sa mesa, ang sayaw at musika ng alta sosyedad, ang asta at pinamukha ng pamilyang Marcos at mga alipures nito na para bang walang naghihirap, walang nagugutom, walang pandemya, at walang krisis sa Pilipinas. Wala silang pakundangan sa kalagayan ng masang Pilipino sa loob at labas ng bansa. Ano ang ibig sabihin ni Marcos Jr. sa kaniyang binitiwan na salita sa kaniyang inagurasyon, “Ang problema niyo ay problema ko?”
Wala tayong narinig mula sa President na programa para sa ekonomiya na makabubuti sa bansa at sa milyong magsasaka, manggagawa, at mga naghihirap na uri at sektor ng lipunan. Ang nakita natin ay ang binuong kabinete ng rehimeng Marcos-Duterte at ang mga binigyan ng mga appointment sa mga ahensya ng gobyerno. Ang makauring katangian ng bagong rehimeng Marcos-Duterte ay binabandera ng mga malaking panginoong maylupa, ang mga higanteng negosyante, ang pasistang militar, ang kamag-anakan at kaibigang crony at iba pang ganid sa kanilang sirkulo. Wala itong binabadya na tunay na pagbabago dahil nagkakaisa sila sa ngalan ng tubo, kapangyarihan at salapi at sa pagsupil sa sino mang kritiko at nagpro-protesta laban sa kanilang mga masamang gawain.
Tiyak na ang SONA ni Marcos Jr ay sasalubungin ng protesta ng mga Pilipinong manggagawa at Pilipinong naninirahan sa Canada at sa ibang panig ng mundo. Hindi maitatanggi ang lawak ng hanay at lakas ng boses ng tuloy-tuloy na paglapad ng nagkakaisang hanay laban sa tambalang Marcos-Duterte.
Kailangang ituloy, palawakin, palakasin ang tunay na pagkakaisa para sa tunay na pagbabago dahil kung di natin ito gagawin, kasama tayong mga kababayang nasa ibayong dagat, mananaig ang mapagsamantala, ang magnanakaw, ang mamamatay-tao at wala tayong ipamamana sa ating mga anak at anak ng bayan.
Ang sabi ni Marcos, Jr, “Ang pangarap niyo ay pangarap ko” at dinagdagan pa na ibibigay sa mga OFW, sa mga kababayan na nasa labas ng bansa ang oportunidad at lahat ng kanilang kailangan para mabuhay at umunlad. Batay sa ating karanasan sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon, sa ilalim ng mahabang panahon mula ng ginawang programa ang LEP, ginagamit bilang gatasan ang mga OFW para sa mga remitans na tumutulong sa di mabilis na pagbagsak ng ekonomiya.
Ang pangarap ng OFW ay trabaho sa Pilipinas at hindi sa labas, ang di na mawalay sa pamilya at komunidad sa paghananap ng trabaho at sahod para makapagpadala ng pantustos sa pamilya. Hindi mangyayari itong mga pangarap namin kung walang tunay na repormang agraryo, makabayang industriyalisasyon at ang pagrespeto sa mga demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Mahalaga rin sa migranteng Pilipino ang pagbabalik sa usaping pangkapayapaan o peace talk para makatulong sa paglutas ng mga saligang suliranin ng bayan. Ayaw namin ng giyera dahil kapayapaan ang aming pangarap.
Habang nasa labas ng bansa, patuloy ang aming pagkilos para wakasan ang pwersahang paniningil sa Pag-Ibig, POEA, SSS, PhilHealth premium increase at ang expanded compulsory insurance o sa madaling salita, ang pangongotong sa mga OFW. Bukod pa ito sa paniningil ng mga serbisyo at programa para sa kapakanan at kalagayan ng migranteng Pilipino lalo na sa mga embahada at konsulado. Kahit na sa patuloy na pandemya, nakakasiguro ang rehimeng Marcos-Duterte na itutuloy naming mga migrante ang paglaban dito dahil ang magsalita at magpahayag para sa aming kagalingan ay ang karapatan namin.
Kami ang bumubuo ng bayang Pilipinas. Tingnan, pakinggan, damhin ang aming kalagayan. Kami at ang aming kalagayan ang tunay na State of the Nation. Kumikilos, nag-oorganisa at lumalaban.
Mabuhay ang migranteng Pilipino!
Tuloy ang Laban!
Commentaires