Sa Gobyernong Tapat, Manggagawa’y Angat! Pahayag ng Migrante Canada: Sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa/Mayo Uno
Bilang alyansa ng mga organisasyon ng Pilipinong migrante sa Canada, nagbibigay pugay kami sa Pilipinong manggagawa ngayong Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Mahalaga ang pagdiriwang ngayon ng Mayo Uno dahil sa pambansang eleksyon – sapagkat ito ang pagkakataon na kukuhanin ng mamamayan na ipanalo ang gobyernong tapat na kinakatawan ng tiket ni Leni Robredo at Kiko Pangilinan. At ito rin ang pagkakataon para ilampaso ang tandem ng Marcos Jr. at Sara Duterte para hindi sila manalo at maluklok sa kapangyarihan. Huwag ng ibalik ang madilim at malagim na anim na taon ni Duterte! Ipaglaban natin ang ating karapatan: “Lupa, Ayuda, Serbisyo, Hindi Pasismo!” Ang halalang kinakaharap natin ay angkop na binansagang “matinding laban ng ating henerasyon.”
Kamakailan ay nagdeklara ang Kilusang Mayo Uno, ang progresibo at pinakamalaking sentro ng paggawa sa Pilipinas, ng kanilang suporta para sa tandem ng Leni at Kiko. Ito ay malaking dagdag na suporta sa Workers for Leni na binubuo ng mga pederasyon at asosasyon ng mga manggagawa. Malakas ang sigaw para sa ”Sahod, Trabaho, Proteksyon at Karapatan, Ipaglaban!” Sinundan ito ng pagsuporta kay Leni at Kiko mula sa 150 organisayon ng mga magsasaka at mga food security advocate sa ilalim ng Kilusan ng Magbubukid sa Pilipinas (KMP). Malakas ang sigaw nila para “Sa Gobyernong Tapat, May Pagkain Lahat!”
Ang mga Pilipinong manggagawang nasa labas ng bansa ay patuloy na naghihirap sa kawalan ng serbisyo at proteksyon bilang OFW sa ilalim ng pamahalaang Duterte, lalong lalo na sa patuloy ng pandemyang COVID-19. Kaakibat nito ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas at ang patuloy na pag-alis ng libo-libong manggagawa para magtrabaho abrod. Nariyan din ang mga kontra-manggagawang batas tulad ng sapilitang pagsapi sa PhilHealth at ang pagtaas ng premium, isang patakaran na binawi pansamantala ng gobyernong Duterte dahil sa takot sa matinding galit at protesta ng mga manggagawa sa ibayong dagat.
Kung may disenteng trabaho, bakit pa kailangang iwan ang pamilya at bayan? Kung kayat sa araw na ito ay marii nating isinisigaw ang “Sa Gobyernong tapat, May Trabaho Lahat!” Tulad ng mga manggagawa sa Pilipinas, nais natin na ipanalo ang gobyernong tapat. Kung kayat sa araw na ito ay sama-sama tayong lahat, ang migranteng Pilipino at mga kababayang kumikilos para talunin si Marcos-Duterte at ipanalo si Leni-Kiko.
Sa gobyernong tapat, manggagawa’y angat! Ang tungkulin natin ay ang patuloy na pag-oorganisa, pagmumulat, pagkakaisa, at pagkakapit-bisig sa isang malawak at matibay na hanay ng mamamayan para ipanalo ang tapat, para siguradong atin ang bukas.
Malakas ang pangarap na kulay rosas ang bukas pero dapat tandaan rin ang sinabi ni Elmer “Ka Bong” Labog sa martsa’t rali nitong Mayo Uno ang ganito: “Ang laban ng manggagawa ay walang oras, lumalaban ito hindi lang kapag Mayo Uno, lumalaban ito may eleksyon man o wala”.
Huwag kalimutan, ang uring manggagawa ay hukbong mapagpalaya. Mabuhay ang Pilipinong manggagawa, sa loob at labas ng bansa!
Kommentare